Sunday, November 30, 2014

Ang Diborsyo sa Islam

            Ang diborsiyo sa Islam ay higit na iba kung ikukumpara sa ibang mga relihiyon, lalung lalo na sa Kristiyanismo dahil hindi lahat ng Kristiyanong bansa ay sang-ayon sa konsepto ng diborsiyo. Isa nang halimbawa nito ang bansang Pilipinas (maliban na lamang kung ikaw ay isang Muslim). Sa katunayan, sa kabila ng pagpayag ni Allah, higit pa ring iniiwasan ng mga Muslim ang pakikipagdiborsiyo dahil ito ang pinakaayaw ng kanilang diyos.
                  Ayon sa BBC (2014), tanggap ng mga Muslim ang pakikipagdiborsiyo dahil hindi umano maiiwasan ang mga problema sa pag-aasawa. Ilan sa mga batayan sa paghahain ng diborsiyo sa Islam ay ang pagpapatunay na walang kakayahan ang lalaki na buhayin ang kanyang pamilya o di kaya ay ang kabiguan nito na sustentuhan ang kanyang asawa’t mga anak. Inaasahan rin ang maayos na pakikitungo sa pagitan ng mag-asawa, kaya naman ang pagmamaltrato ay maaari ring maging basehan sa pakikipagdiborsiyo. Kinakailangang sundin ng babaeng asawa ang anumang hiling ng kanyang kabiyak dahil ito ang nagpapatibay sa kanilang pagsasama. Tungkulin rin niyang bigyan ng anak ang lalaki dahil ito ay sumisimbolo sa kanilang pagiging buo bilang mag-asawa. Ang hindi pagsunod sa alin man nito ay isa ring batayan sa pagsasampa ng diborsiyo.
             
             Gayunpaman, may pinagkaiba pa rin ito sa batayan ng Fashk o annulment sa Islam. Una na rito ay ang di-regular at ipinagbawal na kasal, tulad na lamang ng pag-aasawa ng hindi kapwa Muslim. Posible rin ang Fashk kung ang asawa ay naging Muslim lamang sa pamamagitan ng konbersyon na nangyari pagkatapos ng kasal. Kaugnay rito, maaaring maging batayan ng pakikipaghiwalay ang pagpalit o pagtalikod sa relihiyong Islam ng babae o ng lalaking asawa, matapos ikasal sa ngalan ni Allah. Panghuli, kung ang lalaki ay nabigong kumpletuhin ang pag-aasawa sa pamamagitan nang pakikipagtalik sa kanyang pinakasalan, may kapangyarihan ang babaeng asawa na magsamapa ng Fashk. Kinakailangan niyang magtalaga o magbigay sa hukom ng mga testigong makapagpapatunay nito upang hindi mapawalang-bisa ang kanyang hinaing annulment.
            
Mula sa Google Images
                Ang diborsyo sa Islam ay maisasagawa lamang kapag wala na talagang solusyon para sa mag-asawa pagkatapos ng panahon ng panghuhusga at pagmumuni-muni. Ito ay pinakahuling opsyon sapagkat banal ang pag-iisang dibdib sa relihiyong Islam. Ngunit pinapayagan naman ni Allah ang diborsyo kung ito ay talagang kinakailangan dahil ayaw niyang nagluluksa ang kanyang mga tao. Sa proseso ng diborsyo sa Islam, kinailangang bigyang halaga ang dalawang kampo, at kung may anak ang madidiborsiyo, ang mga bata dapat ang unang prayoridad. Dapat din maghiwalay nang maayos ang dalawa at nang hindi puno ng galit, dahil sinasabi ni Allah na dapat maghiwalay nang may kabutihan sa puso.
            Ang lalaki ay may karapatang makipagdiborsyo sa kanyang asawa sa mga rasong tulad ng problema sa pera o dahil hindi na niya kaya. Ito ay tinatawag na Talaq, at pwede ito sa paraan ng pananalita o pagsusulat. Pagkatapos pangunahan ng lalaki ang pakikipagdiborsiyo, daraan ang babae sa tinatawag na “iddat” o ang panahon ng paghihintay. Sa panahong ito, bawal sila magkaroon ng sekswal na relasyon, ngunit pinahihintulutan pa ring manatili ang babae sa bahay ng lalaki. Maaari din sa oras na ito na kunin muli ng lalaki ang kanyang asawa sa pagsabi ng “ipapabalik na kita sa akin” o “I take you back”, o sa pisikal na paraan ng pagtatalik o kahit anong sekswal na gawain. Ang iddat sa Talaq ay tatlong buwan dahil kagustuhan ni Allah na dumaan muli ang lalaki sa isang pagninilay na kunin muli ang kanyanga sawa. Kung matapos ang tatlong buwan at hindi pa rin kinuha ng lalaki ang kanyang asawa, sila ay ganap nang hiwalay.
            Sa proseso ng Talaq, kinakailangang kumpletuhin ang mga dokumento para sa diborsyo at ipadala sa Islamic Shari’a Council. Nakalagay dapat dito ang mga dahilan kung bakit gustong makipagdiborsiyo ng lalaki, at lahat ng impormasyon tungkol sa babae. Pagkatapos itong ipa-rehistro ng konseho, magpapadala sila ng talaqnama sa lalaki at kailangan niyang itong pirmahan sa harap ng dalawang testigo. Pagkatapos nito, magpapadala naman ng sulat ang konseho sa babae para makakuha ng sagot. Kung walang pagtugon, kinakailangang tiyakin ng lalaki kung tama ang nailagay niyang impormasyon tungkol sa kanyang asawa. Kapag lahat ng hakbang sa proseso ay naisagawa, magbibigay ng dalawang orihinal na kopya ng dokumento sa diborsyo: ang isa ay ipapadala ng konseho sa babae kasama na ang halagang ‘dower’, at yung pangalawa ay para sa lalaking nag-demanda ng Talaq.
            
              May karapatan rin ang mga kababaihan na makipagdiborsiyo at ito ay tinatawag na “Khul’a”. Kapag ang babae ang humingi ng diborsyo, kailangan niyang ibalik ang perang binayad ng kanyang asawa niya noong kasalan nila. Ngunit, sinasabis a banal na aklat ng Quran na hindi kanais-nais sa mga kalalakihan na kunin ang kanilang mga niregalo. Isinasagawa lamang ito kung ang dalawang kampo ay natatakot na hindi nila mapapanindigan ang mga naibigay ni Allah na mga limitasyon. Ang “idda” o ang panahon ng paghihintay sa Khul’a ay tumatagal ng isang buwan lamang.
            
        Maaari ding maghain ng petisyon ang babae sa pakikipagdiborsyo niya sa kanyang asawa sa isang hukom at magbigay ng katibayan na ang kanyang asawa ay hindi pinapanindigan ang kanyang mga responsibilidad. Ang hukom ang magdedesisyon kung sang-ayon ba ito sa batas ng lupa at sa mga ebidensyang naihain sa kanya. Kinakailangan rin magpresenta ng mag-asawa sa korte ng mga dokumento para sa pakikipagdiborsiyo at dumalo sa mga pagdinig. Katulad ng proseso ng diborsyo sa Islam, dadaan pa rin ang mag-asawa sa tatlong buwan ng paghihintay bago maging ganap ang diborsyo.

Sa batas ng Islam, malawak ang kapangyarihan ng mga kalalakihan sa pangunguna ng diborsiyo. Hindi nila kinakailangan ng batayan o grounds upang simulan ito. Maaari nilang pangunahan ang pakikipagdiborsiyo sa pagsabi lamang ng katagang “talaq” nang tatlong beses. Kung ikukumpara naman sa mga kababaihan na mayroon lamang limitadong kakayahan na makipagdiborsiyo, malayong-malayo at malaki ang pinagkaiba nila, dahil ang mga kababaihan ay maaaring maharap sa problemang pampinasyal at legal. Base sa batas ng shari’a, kinakailangan munang mapatunayan ng babae na hindi napunan ng kanyang asawa ang kanyang mga pangangailangan (pisikal, pagkain, at tahanan) bago kilalanin ang kanyang pakikipagdiborsyo.
            
      Kung ang pag-uusapan naman ay ang paghahati ng mga pag-aari, salungat sa paniniwala ng karamihan, mas sinasang-ayunan nito ang mga kababaihan kumpara sa mga kalalakihan. Sa proseso ng diborsiyo, ang mga pag-aari ng babae ay hindi maaaring hatiin. Kung ano man ang kanyang natanggap bago at sa panahon ng mismong pagsasama ay mananatiling kanya, matapos man ang kanilang pagsasama. Hinahadlangan nito ang posibleng pananamantala ng kalalakihan sa ari-arian at kayaman ng kanyang asawa. Sa kabilang banda, ang pag-aari naman ng lalaki ay mahahati kung ang diborsiyo ay masusunod ayon sa kontrata ng kasal ng mag-asawa.

Sa kabila ng pagtatapos ng kanilang pagsasama, ang mga kababaihan ay may karapatan pa rin sa suporta at tulong mula sa kanyang dating asawa kung kanyang kinakailangan. Nakaayon ito sa mga tagubilin kung ang diborsiyo ay nangyari bago pa man ang seremonya ng kasal at bago o matapos ang pagbibigay ng dowry o ang binabayaran ng isang lalaki sa pamilya ng babae upang mapakasalan ito.

           
           Sa kabuuan, ang diborsyo sa Islam ay kakaiba nga kumpara sa ibang relihiyon. Ang diborsyo ay pinayagan ni Allah dahil sa kaisipang hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng problema ng walang solusyon ng mga mag-asawa. Kung ikukkumpara ang Fashk sa diborsyo ay kadalasang nangyayari kung ang mag-asawa ay magka-iba ng relihiyon o tinalikuran ang pagiging isang Muslim, hindi tulad sa Talaq na mas sinesentro ang mga issue sa pagitan ng pagsasama ng mag-asawa. Ang diborsyo sa Islam ay maisasagawa lamang kung wala na talagang solusyon upang ayusin ang gusot sa pagitan ng mag-asawa. 
     
        Dagdag pa rito, ang Talaq ay ginagamit kapag ang nagsampa ng diborsyo ay ang lalaki at Khul'a naman kung babae. Ang mga kalalakihan, base sa batas ng Islam, ay hindi kinakailangan ng mga batayan upang maghain ng diborsyo. Ngunit, sa usaping pag-aari, ang anumang mga bagay na natanggap ng babae mula sa kanyang asawa, habang sila ay nagsasama, ay hindi maaaring hatiin. Samantala, ang pag-aari ng mga lalaking asawa ay mahahati alinsunod sa kontrata ng mag-asawa. Matapos man ang relasyon ng mag-asawa, may karapatan pa rin ang mga kababaihan sa pagtanggap ng sustento sa kanilang mga asawa.




MGA SANGGUNIAN:
Alsunna.org. (n.d.). Divorce rules in Islam. Retrieved on November 28, 2014 from
      http://alsunna.org/Divorce-Rules-in-Islam.html#gsc.tab=0
BBC (2014). Islam: Marriage and divorce. Retrieved on August 3, 2014         from
      http://www.bbc.co.uk/schools/gcsebitesize/rs/relationships/ismarriagedivorcerev2.         shtml
Esposito, J. (2002). Women in Muslim family law. Syracuse University Press: Syracuse,          NY.
Huda. (n.d.). Steps to an Islamic divorce. Retrieved on November 28, 2014 from
       http://islam.about.com/od/marriage/ss/stepstodivorce_3.htm
IslamicShariaCouncil. (n.d.). Talaq. Retrieved on November 28, 2014 from     
      http://www.islamic-sharia.org/talaq/
IslamWebEnglish. (2012). Divorce in Islam. Retrieved on November 28, 2014 from
      http://www.islamweb.net/emainpage/articles/92752/divorce-in-islam
Nazeer Ahmed, A.H. (n.d.). Talaaq, khul’a or divorce. Retrieved on November 29,     2014    from
      http://www.basicofislam.com/index.php/talaaq-khul-a-or-            divorce
OnIslam.net. (2014). Divorce: Ilamic procedure and rulings. Retrieved on November 2014, from
      http://www.onislam.net/english/ask-the-scholar/family/marital-relationships/174391-divorce-              islamic-procedure-aamp-rulings.html